akongapalasijuan:

Gumawa tayo ng kasunduan,

Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan, at patatawarin kita, sa hindi mo pagluha.

Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik, at patatawarin kita, sa hindi mo pagsasalita.

Patawarin mo ako sa hindi ko pag-alis, at patatawarin kita, sa hindi mo pananatili.

Patawarin mo ako sa hindi ko sa ‘yo paglimot, at patatawarin kita, sa hindi mo sa akin pagpili, mahal.

Gumawa tayo ng kasunduan: Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita, sa hindi mo pagkapit.

Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita, sa hindi mo paglapit.

Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko, at patatawarin kita, sa hindi mo pagsugal.

At patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sa ‘yo, at patatawarin kita, sa hindi mo sa akin pagmamahal, mahal.

Gumawa tayo ng kasunduan: Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.

Para sa wakas ay matapos ko na itong tula, na masyado nang matagal nang nakatira dito.

"Sabihin mo sa sarili mo: ang mga lugar ay mga lugar lamang. Huwag kang magkakamaling hanapin maski anino niya sa tabi mo o ang mga hakbang ng mga paa niyang dati’y sumasabay sa’yo."

"Ikaw pa rin ang paborito kong libro
at paulit-ulit kitang babasahin hanggang 
sa huling pagtulog ko."

Juan Miguel Severo (via layneheart)

Isang Letra ni Juan Miguel Severo

mujer-haraya:

Hindi pa.

Nakakatuwa ang dalawang salitang iyon.

Hindi pa.

Para ang gandang pakinggan sa umpisa.

Parang laging may paanyaya ng simula.

Kumain ka na ba? Hindi pa.

Napanood mo na ba ‘tong pelikula? Hindi pa.

Natikman mo na ba ‘to? Hindi pa e.

Natikman mo na ba ako? Hindi pa.

Hindi pa.

Parang laging may kasunod na “pero gusto ko sana.”

Parang nagsisimula ng maraming oo, tama, magsisimula.

May pangako ng isang simula.

Kaya siguro magandang pakinggan sa una dahil sa pinapangakong simula.

Pero hindi pa, sandali, huwag muna.

Mahal ko na ba? hindi pa.

Sandali, huwag muna,

mahal ko na ba? hindi kaya..huwag muna.

Tapos na ba? hindi pa, huwag sana.

Hindi pa.

Nagustuhan ko ‘tong dalawang salita dahil sa ibang pagkakataon para bang

may pangako na balang araw magiging hindi na.

Umaasa ka pa ba? Hindi na.

Naghihintay ka pa ba? Hindi na.

Masakit pa ba? Hindi na.

Mahal mo pa ba sya? Hindi na.

Tama. Wakas. Hudyat ng isang wakas.

Kaya siguro magandang pakinggan hanggang sa ngayon dahil sa hinuhudyat nitong pagwawakas,

hindi ba?

Umaasa ka pa ba? Hindi na.

Naghihintay ka pa ba? Hindi na.

Masakit pa ba? Hindi na.

Mahal mo pa ba sya? Hindi na.

Mahal mo pa ba sya? Hindi na.

Mahal mo pa ba sya? Hindi na.

Umaasa ka pa ba?

Umaasa ka pa ba?

Nakalimutan mo na ba sya? Hindi na.

Hindi na? Nakalimutan mo na ba siya?

Hindi pa.

Tangina.

Nagsimula pero ‘di tayo matapos- tapos sa hindi pa at hindi na.

Tangina. Isang letra lang ang pinagkaiba.

Wala pang isang segundo para isulat, isang pindot lang sa keyboard.

Tangina. Ang tagal na. Pero hanggang ngayon hindi pa.

‘Pag tinakpan mo nga ang letrang P magmumukha itong hindi na e.

Pero hindi pa.

Kung anu-ano na ang pinantakip ko pero gano'n pa din siya.

Kung anu-ano na ang pinambura ko, pero hanggang ngayon nasa simula pa.

Kung sinu-sino na ang  nilapitan ko pero na sa'yo pa rin ang mga paa ko.

Na sa'yo pa rin ako.

Sabihin mo nga, gaano karaming salita pa ang kailangan kong isulat para mapalitan ang isang letra? Tangina.

tumblristangpinoy:

A piece from Juan Miguel, I just thought this is so beautiful not to share…


Mga Basang Unan ni Juan Miguel Severo

Noong iwan mo ako nang walang pasabi at pangako ng pagbabalik umiyak ako buong gabi. Umiyak ako nang sobrang tindi, kinailangan kong ibilad sa araw ang unan ko kinabukasan. Ang sarap pala sa pakiramdam ng patulugin ka ng sarili mong pag-iyak. Naisip ko, hindi pinakuluang dahon ng bayabas o alak ang sagot sa ganitong klaseng sakit. Luha ang pinaka-mabisang panglanggas sa sugat ng puso.

Kaya inaraw-araw ko ito. Sinisimulan at tinatapos ko ang araw na ginagamot ang mga sugat na iniwan mo. Binabalikan ko lahat ng alaala at hinahanap kung saan silang lahat bumaon sa puso ko. Nakakatawa. Akala ko noon, kung dumating man ang panahon na ‘to, puro mga away at hindi natin pagkakasunduan ang mga sugat na iintindihin ko. Na sila ang mahirap gamutin. Na sila ang, kahit ilang balde na ng luha ang aking pigain mula sa mata ko, magdurugo pa rin.

Pero mas nagdurugo ako para sa mga tawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga patawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga yakap mo. Sa kung paanong ang balat ko ay parang nalalapnos kapag dahan-dahan mo akong hinahaplos at kung paanong ang hininga ko ay nahahapo at kinakapos kapag niyayapos kita. Nadurog ako noong gabing umalis ka, pero mas nagdurugo ako sa unang gabi na pinili mong manatili. Nadurog ako noong gabing sinabi mong ayaw mo na, pero mas nagdurugo ako sa gabing tinanong mo ako kung puwede pa ba. Nadurog ako noong gabing tinalikuran mo ako, pero mas nagdurugo ako na noong pagtalikod ko, nandoon ka pa. Nadurog ako noong sinabi mong hindi mo na ako mahal, at nagdurugo ako, at nagdurugo ako, at nadudurog at nadudurog at nagdurugo pa rin ako sa alaala na ikaw pa ang mas naunang magsabi ng “Mahal kita.”

Mahal. Kita.

Kung titignan ko nang maigi ang mga salitang sinulat ng lahat ng mga sugat na naiwan mo, yang dalawang yan ang mababasa ko. Mahal. Kita. At sa inaraw-araw ng pagbibilad-unan ko, nagmamahid na sila. Mahal. Kita. At sa dami ng luha na pinanglanggas ko rito, naglalangib na sila. Mahal. Kita. At sa tagal niyang kumikirot dito sa dibdib ko, medyo nakakasanay na. Mahal. Kita. At sa tagal ng panahon na ginugol ko sa gamutan, sigurado magsasara na sila. Magsasara at magiging pilat na paulit-ulit kong mababasa at ang parati lang sasabihin ay “Mahal kita.”

Mahal, kung magkita tayong muli at tanungin mo ako uli kung puwede pa ba, ang hihilingin ko lang sa’yo ay mga bagong unan. Dahil lahat ng akin ay ‘kala mo naulanan dahil lahat sila ay akin nang naiyakan ng mga kwento natin at nag-iwan ng marka sa kanila at ayaw ko na. Ayaw ko nang matulog sa unang basa at malunod sa pagtulog sa alaala na mahal kita. Mahal nga pala kita. Mahal pa rin pala kita. At sa wakas, hindi na kasing sakit ng dati, pero mahal, masakit pa.

:(

BISITA

iamjhosel:

image

Ngumiti ka
Sige ngiti pa
Ibigay mo ang ngiti ng isang taong buo
ng isang taong puno
Tandaan mo sanay ka nang wala siya
Kaya sige
ngitian mo siya
Wag mong pansinin ang mga lubid na nag bubuhol buhol sa sikmura mo
Hindi ka dapat bumigay sa gulat ng makita siyang muli
Matatag ka na
Hindi ka mayayanig nito
Hindi ka na dapat mayanig nito
Bakit hindi mo siya alukin ng mauupuan?
Bakit hindi mo siya ipagtimpla ng kape?
At wag mong ipapahahalata na kabisado mo pa rin ang timpla nya
na ayaw nya ng gatas at ang asukal  dapat isa lang na kutsarita
At habang hinahalo mo ito, wag mong bibilangin ang dami ng beses na ginawa mo ito
At maraming pang bagay para sa kanya
Para sa kanya
Hindi ito ang oras para maging mahina
Susubukan nyang kausapin ka
Pakinggan mo
Ipagpaliban ang mga libu libong tanong na nakapila sa isipan mo
Matatag ka na hindi ba?
At kapag ngumiti siya, ibaling mo ang tingin mo sa iba
Tumingin ka sa kisame, sa sahig,
sa mga linya sa kanyang mga mukha na dati’y wala naman doon
‘Wag mong sasabihin na noon,
noong nawala siya
Ilang beses kang naging haliging asin dahil sa iyong paglingon
Na hanggang ngayon ay may mga galos ka pa rin sa iyong mga kamay
sa kasusubok na hilahin siyang pabalik
Na ang kanyang mga halik ay bumibisita pa rin sa iyong panaginip
Tatanungin niya kung kamusta ka na
Sabihin mo mabuti ako
Wag mong sasabihin na heto gumuguho nanaman ako dahil sa pagbabalik mo
Na mas kilala ko pa rin ang kung sino ako nang na sa tabi mo
Ako ay isang lihim na tanging ikaw lang ang may alam
At anong silbi ng isang sekretong nalimutan?
Wag kang madudurog sa harap niya
Pero ngitian mo siya
Ngitian mo siya
Kumapit ka sa kasalukuyan hanggat sa may makakapitan ka pa
Ngitian mo siya
At kapag nagpaalam na siya
Wag mong ibagsak ang pinto
Marahan mo itong isara
Sana matagpuan mong malinis pa rin ang silid
At kung anumang bahagi mo ang napilas at nabaklas
Sana tinangay na niya
Siya naman ang magdala


~Juan Miguel Severo, Spoken Poetry, OTWOL 14.1.16

(via inner)

just-a-boring-url:

ohsnapitsjuzdin:

250,000 bouncy balls down San Francisco streets.

The Chaos.

Lovely

(via feywildwest)

thethirdreel:

it’s almost time to not get kissed under the mistletoe and not get kissed on new years

(via manda)

yes-this-is-groot:

You are not alone 👻👻👻👻👻

(via disbraced)

"My darling, you are allowed to fail without being a failure. You are allowed to make mistakes without becoming one. More opportunities will present themselves, you will find hope again."

(via superdone)